Martes, Hulyo 31, 2012

Ang Dapat Ayusin ng Nagbababad sa Kompyuter


ITONG Kabataan, na naglalaro noong unang panahon ng ating katutubong mga laro, noong hindi pa nauuso sa mga pamayanang ito ang mga kompyuter, ay kuntento sa lubos na saya at pakikipagkaibigan. Kasama nila ang mga kamag-anak at lalung-lalo na ang mga kaibigan, sila ay kakwentuhan at kapalitan ng mga biro, malabis ang pagbabahagi ng lahat ng mabuting asal, kayat dahil dito'y maganda ang samahan ng lahat. Babae at lalake ay mahusay makisama at maglaro ng talagang laro nating mga Pilipino.

Naimbento ang mga kompyuter at naglayong magpasaya. Sa makabago nitong gamit na diumano, tayo'y ituturo sa lalong pagkakuntento, at lalong ipakikilala ang ating katauhan, ang katutubong mga laro ay nangyaring nakalumitan sa miminsang pagkakataon sa pagbabago. Gayon man, ito'y tinanggap sa lugar na kaugalian ng mga bata na ginagamit at nararanasan ang kanilang pag-unlad sa pamamagitan ng teknolohiya na nagpapakita ng maraming paraan sa kani-kanilang paglalaro, at yao'y dinala’t pinagkagastusan nilang kapwa, tanda ng tunay at lubos na pagnanais na hindi maiwan sa nauuso. Ito'y siyang nagsilbing pang-ubos ng oras at pera na ipinagkakatiwala ng magulang sa anak.

Buhat nang ito'y mauso ay inaabot na ngayon sa tatlong oras mahigit na ang kompyuter ay ating ginagamit sa lubos na walang bahala; ating pinagbababaran at nilulubos, kahit abutin natin ang kakulangan at kapaguran. Inuubos natin ang pera, oras at enerhiya ng katawan sa pagtutok sa kompyuter; kinakalimutan natin lahat ng dapat na mga gawain na ayaw tapusin na sa pag-aaral ay kainakailangan, at gayon din naman tumulad tayo sa mga kaibigan at mga kaklase na patuloy na nagbababad sa pagko-kompyuter.

Ngayon, sa lahat ng ito, ano ang sa mga tinanggap nating pagbabago ang naagbigay kaginhawahang nanais sa ating pamumuhay? Ano ang nararanasan nating kasiyahan sa kanilang naimbento na siyang naging dahilan ng ating katamaran? Wala kundi pawang pagkalito ang dulot sa ating mga responsibilidad. At ang mga pagsang-ayon sa kanilang ipinangakong tayo ay lalong makukuntento sa pag-unlad? Bagkus tayo'y ginulo, nilito tayo sa kanilang dinalang teknolohiya, pinilit na binago ang orihinal at nakasanayang pampalipas-oras ng ating araw-araw. Dinala tayo sa isang huwad na pag-unlad at pinabayaan sa panahong nasisira ang pagkakaisa ng magkakaibigan.
At kung tayo'y sumubok tumigil ng kahit kaunting araw, ang nagiging pakiramdam ay ang pagkabagot at kakulangan sa impormasyon ng ating matatalik na mga kaibigan, kaklase at kamag-anak. Ang bawat isang detalye na makikita sa kompyuter ay itinuturing na isang mensaheng ibinabahagi at ideyang ipanapaalam ng kaibigan na hindi nakakasama.

Ngayon, wala nang tunay na pribado sa ating buhay. Ngayon, lagi nang nalalaman ang ating kalagayan ng taong malayo at hindi kilala, kaarawan at karelasyon ng kaibigan na hindi nakikita, emosyo’t mga lokasyon ng taong kakilala ng mga matatalik na kaibigan.

Ngayon, tayo'y lumalayo na sa lumang panahon ng katutubo sa bansa na binubura ng pag-unlad, sa pagdami ng imbensyon na tinatanggap ng populasyon, na ang bawat tao ay gumagamit ng bagong produkto na nagpapalala sa pagiging palaasa ng ating baying nais umunlad. Ngayon, lalo't lalo tayong nililito ng teknolohiyang mula sa ibang bansang nangungunang umunlad.

Ano ang kailangan nating ayusin?

Ang impluwensya ng teknolohiya na lumalaganap sa mundo ay matibay na naiangkop sa ating mga buhay na malaong tinanggap ang pagbabagong dapat nating limitahan. Ang kapakinabangan nito'y tulong sa ating mga buhay upang magamit natin ang mga makabagong produkto ng panahong nagbigay sa atin pagkakataong umunlad.

Ipinapakita ng pag-unlad na wala tayong iba pang mararanasan kundi lalo't lalong pagkakaiba, lalo't lalong pagdami, lalo't lalong pagbabago, at lalo't lalong pagkalito.

Ipinapaalala ng makaluma na huwag nating pabayaan ang pagsira sa nakasayan sa Pilipinong pamumuhay na hindi mawawala at hindi malilimutan.

Nais ng makabayan na tayo'y manatili sa ating pagka-Piipino at huwag asahan sa iba ang ating pagbabago.

Mungkahi ng makabayan na tayo'y huminto, mag-isip at gumunita, at tayo'y maaliwanagan na kultura ng bansa ang nagbabago sa ating pamumuhay.

Pagkakataon na ngayong dapat ayusin ang kalituhan ng tao.

Panahon nang dapat nating alalahanin na tayo'y may sariling pagkatao, may kagamitan, may kaugalian at kultura.

Ngayon, panahon nang dapat timbangin ang pagtanggap ng mga imbensyon at ugaling naiiba na babago sa magandang kultura na mayroon sa ating paligid. Oras na ngayong dapat sariwain ng kabataan ang kaugalian ng kanilang mga ninuno. Araw na itong dapat pagsabayin na sa bawat pagsulong natin ay bumabalik tayo at tumutungo sa malalim na alaala ng nakalipas na sa atin ay kinukuha ng mga pagbabago.

Kaya, O mga kabataan! Ating ituwid ang maling pagbabago, at kusang ibalik sa isipan ang ating pagtatangi sa tunay at lubos na ideya na tutupad sa inasahang kasiyahan ng bayang umuunlad.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento