ITONG
Kabataan, na naglalaro noong unang panahon ng ating katutubong mga laro, noong
hindi pa nauuso sa mga pamayanang ito ang mga kompyuter, ay kuntento sa lubos
na saya at pakikipagkaibigan. Kasama nila ang mga kamag-anak at lalung-lalo na
ang mga kaibigan, sila ay kakwentuhan at kapalitan ng mga biro, malabis ang
pagbabahagi ng lahat ng mabuting asal, kayat dahil dito'y maganda ang samahan
ng lahat. Babae at lalake ay mahusay makisama at maglaro ng talagang laro
nating mga Pilipino.
Naimbento ang
mga kompyuter at naglayong magpasaya. Sa makabago nitong gamit na diumano,
tayo'y ituturo sa lalong pagkakuntento, at lalong ipakikilala ang ating
katauhan, ang katutubong mga laro ay nangyaring nakalumitan sa miminsang
pagkakataon sa pagbabago. Gayon man, ito'y tinanggap sa lugar na kaugalian ng
mga bata na ginagamit at nararanasan ang kanilang pag-unlad sa pamamagitan ng
teknolohiya na nagpapakita ng maraming paraan sa kani-kanilang paglalaro, at
yao'y dinala’t pinagkagastusan nilang kapwa, tanda ng tunay at lubos na
pagnanais na hindi maiwan sa nauuso. Ito'y siyang nagsilbing pang-ubos ng oras
at pera na ipinagkakatiwala ng magulang sa anak.
Buhat nang
ito'y mauso ay inaabot na ngayon sa tatlong oras mahigit na ang kompyuter ay
ating ginagamit sa lubos na walang bahala; ating pinagbababaran at nilulubos, kahit
abutin natin ang kakulangan at kapaguran. Inuubos natin ang pera, oras at
enerhiya ng katawan sa pagtutok sa kompyuter; kinakalimutan natin lahat ng
dapat na mga gawain na ayaw tapusin na sa pag-aaral ay kainakailangan, at gayon
din naman tumulad tayo sa mga kaibigan at mga kaklase na patuloy na nagbababad
sa pagko-kompyuter.
Ngayon, sa
lahat ng ito, ano ang sa mga tinanggap nating pagbabago ang naagbigay
kaginhawahang nanais sa ating pamumuhay? Ano ang nararanasan nating kasiyahan
sa kanilang naimbento na siyang naging dahilan ng ating katamaran? Wala kundi
pawang pagkalito ang dulot sa ating mga responsibilidad. At ang mga
pagsang-ayon sa kanilang ipinangakong tayo ay lalong makukuntento sa pag-unlad?
Bagkus tayo'y ginulo, nilito tayo sa kanilang dinalang teknolohiya, pinilit na
binago ang orihinal at nakasanayang pampalipas-oras ng ating araw-araw. Dinala
tayo sa isang huwad na pag-unlad at pinabayaan sa panahong nasisira ang
pagkakaisa ng magkakaibigan.
At kung
tayo'y sumubok tumigil ng kahit kaunting araw, ang nagiging pakiramdam ay ang
pagkabagot at kakulangan sa impormasyon ng ating matatalik na mga kaibigan,
kaklase at kamag-anak. Ang bawat isang detalye na makikita sa kompyuter ay
itinuturing na isang mensaheng ibinabahagi at ideyang ipanapaalam ng kaibigan
na hindi nakakasama.
Ngayon, wala nang tunay na pribado sa ating buhay. Ngayon, lagi
nang nalalaman ang ating kalagayan ng
taong malayo at hindi kilala, kaarawan at karelasyon ng kaibigan na hindi
nakikita, emosyo’t mga lokasyon ng taong kakilala ng mga matatalik na kaibigan.
Ngayon,
tayo'y lumalayo na sa lumang panahon ng katutubo sa bansa na binubura ng
pag-unlad, sa pagdami ng imbensyon na tinatanggap ng populasyon, na ang bawat
tao ay gumagamit ng bagong produkto na nagpapalala sa pagiging palaasa ng ating
baying nais umunlad. Ngayon, lalo't lalo tayong nililito ng teknolohiyang mula
sa ibang bansang nangungunang umunlad.
Ano ang
kailangan nating ayusin?
Ang impluwensya
ng teknolohiya na lumalaganap sa mundo ay matibay na naiangkop sa ating mga
buhay na malaong tinanggap ang pagbabagong dapat nating limitahan. Ang
kapakinabangan nito'y tulong sa ating mga buhay upang magamit natin ang mga
makabagong produkto ng panahong nagbigay sa atin pagkakataong umunlad.
Ipinapakita
ng pag-unlad na wala tayong iba pang mararanasan kundi lalo't lalong
pagkakaiba, lalo't lalong pagdami, lalo't lalong pagbabago, at lalo't lalong
pagkalito.
Ipinapaalala
ng makaluma na huwag nating pabayaan ang pagsira sa nakasayan sa Pilipinong
pamumuhay na hindi mawawala at hindi malilimutan.
Nais ng
makabayan na tayo'y manatili sa ating pagka-Piipino at huwag asahan sa iba ang
ating pagbabago.
Mungkahi ng
makabayan na tayo'y huminto, mag-isip at gumunita, at tayo'y maaliwanagan na
kultura ng bansa ang nagbabago sa ating pamumuhay.
Pagkakataon
na ngayong dapat ayusin ang kalituhan ng tao.
Panahon nang
dapat nating alalahanin na tayo'y may sariling pagkatao, may kagamitan, may
kaugalian at kultura.
Ngayon,
panahon nang dapat timbangin ang pagtanggap ng mga imbensyon at ugaling naiiba
na babago sa magandang kultura na mayroon sa ating paligid. Oras na ngayong
dapat sariwain ng kabataan ang kaugalian ng kanilang mga ninuno. Araw na itong
dapat pagsabayin na sa bawat pagsulong natin ay bumabalik tayo at tumutungo sa
malalim na alaala ng nakalipas na sa atin ay kinukuha ng mga pagbabago.
Kaya, O mga
kabataan! Ating ituwid ang maling pagbabago, at kusang ibalik sa isipan ang
ating pagtatangi sa tunay at lubos na ideya na tutupad sa inasahang kasiyahan
ng bayang umuunlad.